Vic nagpaalam na rin sa DZMM

August 22, 2020
Vic de Leon Lima
Vic de Leon Lima

LAST July 31, 2020 ay sabay na nagpaalam sa DZMM teleradyo ang dalawang kilalang radio and TV anchors na sina Anthony Taberna at Gerry Baja na mahigit dalawang dekadang naglingkod sa ABS-CBN.  Ang dalawa ay kilala sa kanilang tambalan sa teleradyo, ang “Dos por Dos” na tumagal sa ere ng 17 years.

Pero sina Anthony at Gerry ay muling mapapakinggan sa August 31, 2020 mula alas-5 hanggang alas-6:30 ng hapon sa DZRH ng Manila Broadcasting Company kung saan lumagda sila ng kontrata last August 20, 2020.

Kahapon, August 22, araw ng Sabado (8:00 a.m. to 9:30 a.m.) ay tuluyan na ring nagpaalam sa ere ang tambalang Vic de Leon Lima at Marc Logan, ang “Tandem: Lima at Logan” sa DZMM.  Habang mananatili si Marc sa Kapamilya network, last day naman ni Vic bilang radio anchor ng DZMM Teleradyo na kanyang pinagsilbihan sa loob ng 34 years.  Si Vic ay naging bahagi ng DZMM in August 1986.

Si Vic ay isa sa mga casualty sa pagkaka-deny ng prangkisa ng ABS-CBN.

“Pero naniniwala naman ako sa karma.  Napakabilis na ng buwelta ng karma ngayon, digital na,” birong pahayag ng veteran broadcast journalist.

Nagtapos man ang karera ni Vic sa bakuran ng DZMM at ng ABS-CBN, hindi naman dito magtatapos ang kanyang profession bilang isang radio anchor, newscaster and commentator. Ito ay dahil muli siyang mapapakinggan soon from  7 a.m. to 9 a.m.  araw-araw sa kanyang bagong tahanan, ang DWIZ 882. Dito ay makakasama niya ang dati ring talent ng DZMM at ABS-CBN na si Alex Santos.

Ang bagong pagsasamahan nina Vic at Alex ay makakatapat ng programa nina Kabayan Noli de Castro at Ted Failon sa DZMM.

Bago tuluyang nagpaalam sa DZMM, personal na pinasalamatan ni Vic ang mga taong nagtiwala sa kanya at mga kasamahan sa trabaho tulad nina Freddie Garcia, Rolly Cruz, ang mga yumaong sina Lito Balquiedra, Ben Aniceto at iba pa.

Ilan sa mga programang tumatak kay Vic ay ang “Pasada Sais Trenta” with Karen Davila, “On The Spot” news with Toni Aquino, “Tandem: Vic Lima and  David Oro” at ang pinakahuli ay ang “Tandem: Lima at Logan”.  Paborito ring pinch-hitter (tagasalo) si Vic ng mga radio anchor  ng DZMM nag-aabsent bukod pa sa pagbo-voice over sa mga headline ng TV Patrol.

Mabigat man sa dibdib ni Vic na lisanin ang DZMM, looking forward naman siya sa kanyang magiging bagong tahanan, bagong environment at responsibilidad bilang radio anchor (newscaster and commentator) sa DWIZ.

“When God closes the door, He opens more windows,” pagbabahagi ni Vic sa matandang kasabihan.