12-anyos nilaslas ang leeg!

January 24, 2019

TINUTUGIS ngayon ng mga awtoridad ang suspek sa nakahihindik na pagpaslang sa isang 12- anyos na babae na nakita sa kusina ng kanilang bahay na nilaslas ang leeg Miyerkules ng hapon sa Caloocan City.

Angduguang katawan ni Mhyrrhaquel Singson, ng Block 13, Lot 14, Shelterville Subdivision, Bgy. 171, Bagumbong ay nakita ng kasambahay bandang 3:30 p.m. at kaagad niyang inireport  ang insidente sa barangay.

Sinabi ni Villaralbo,  residente ng Lot 581, Jimilina, Bgy. 171,Bagumbong,  sa pulisya na nagtungo siya sa bahay nang mapuna niya na ang pintuan ay naka-lock. Sinilip niya ang kusina at nakita niya ang duguang bangkay ng biktima na laslas ang leeg.

Ayon sa Caloocan Police North Extension Office (NEO) homicide investigators, napuna na di pinuwersa ang pagpasok  sa bahay at walang sinirang pintuan ang di pa kilalang suspek. Dahil  dito ay ipinapalagay nila na ang salarin ay kilala ng pamilya ng biktima.

Sa ginawang inventory, sinabi ng pulisya na natuklasan na nawawala ang dalawang cellular phones ng biktima. Nabatid din ng mga otoridad na umuwi ang biktima mula sa paaralan pagkatapos ng kanyang examination.

Sinabi ng tatay ng biktima na si Colen Singson, na bukod sa kanya, ang kanyang bayaw lamang ang may susi sa bahay. Sinabi niya na naligo pa siya noong tanghali  bago umalis bandang 3 p.m. Nakita ang bangkay ng kanyang anak pagkalipas lamang ng 30 minuto.