15-anyos winaksak sa saksak ng pamilya ng girlfriend

February 27, 2019

HIMALANG nakaligtas ang isang  Grade 10 student matapos pagsasaksakin ng tatlong miyembro ng pamilya ng kanyang umano’y 14-anyos na nobya at itapon sa Bgy. Balayong, Nagcarlan, Laguna, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Chief Inspector Gaylor Pagala, OIC police chief ng Nagcarlan, ang biktimang si Joenel De Rosario ng Sta. Catalina Norte, Candelaria, Quezon.

Sinabi ng pulisya na ang biktima ay nagtamo ng maraming saksak mula umano sa mga suspek na sina Nasif Omar, 42, ang kanyang anak na lalaki na si Fajad, 22, at Samir Cabugatan, 19, pawang mga residente ng Candelaria,Quezon.

Nabatid sa imbestigasyon ni PO3 Benedict Mercado na ang suspek ay tutol sa biktima na may relasyon sa kanyang anak na l4 –anyos na dalagita kung kaya’t pinagsasaksak ito.

“Mapalad na nabuhay mula sa dami ng tinamong mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang 15- anyos na batang lalaking estudyante matapos pagplanuhang patayin ng miyembro ng isang pamilya ng dahil sa pakikipag relasyon umano nito sa 14- anyos nitong girlfriend sa bayan ng Candelaria, Quezon,” ayon sa investigator.

“Dumating umano ang biktima sa bahay ng kanyang kasintahan noong nakaraang Linggo ng umaga at ipinagtapat ang kanilang relasyon na  namamagitan sa kanila na lubhang ikinagalit ng ama ng dalaga”,sabi  ng investigator.

Idinagdag ng pulisya na nang malaman ng suspek ang relasyon ng biktima sa kanyang anak, pinigilan nila ang biktima sa bahay at pinagsasaksak sa mukha at ulo.

Pagkatapos ng insidente ay isinakay ang biktima sa isang pulang  Mitsubishi Adventure at nagtungo sa  Bgy. Balayong saNagcarlan, Laguna at itinapon ng mga suspek ang biktima.

Ang biktima ay nakita ni Castor Montalbo, kagawad sa nasabing  barangay.

Ang mga suspek ay kakasuhan ng pulisya ng serious illegal detention, physical injuries  and frustrated murder kasama ang isa pang suspek na nakatakas.