16-anyos ginapang, minanyak ng tiyuhin

July 28, 2020

MAINIT na kamay na humihimas sa kanyang kaselanan ang gumising sa mahimbing na pagkakatulog ng 16-anyos na dalagita Lunes ng madaling araw sa Makati city.

Higit pang nasindak ang Grade 8 na estudyanteng itinago sa pangalang “Grace” nang matunghayan na ang pangahas na humihimas sa kanyang kaselanan ay ang kanyang binatang tiyuhin na si Mark Anthony Claudio, 33, kaya’t nagmadali siyang bumangon at lumipat sa kabilang silid na tinutulugan ng kanyang 60-anyos na biyudang lola.

Nang magising ang biyuda sa paghiga sa kanyang tabi ng dalagitang apo, dito na isinumbong ni Grace ang kalapalastanganang ginawa sa kanya ng tiyuhin kaya’t nang mag-umaga na’y sinamahan niya ang apo sa barangay upang humingi ng kaukulang tulong na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Sa imbestigasyon ni P/SMSgt. Joann Baldos ng Makati Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) katabi ni Grace ang kanyang tiyahin sa pagtulog sa silid ng kanilang bahay sa Belarmino St Bgy. Bangkal nang magising siya dakong alas-4 ng madaling araw nang maramdaman na tila may humihimas sa kanyang mga hita hanggang sa umakyat na ang kamay sa kanyang kaselanan.

Sa pahayag ng biktima sa pulisya, sa sobrang takot ay hindi siya nakasigaw at sa halip ay lumipat na lamang sa silid ng lola at dito niya isinumbong ang tiyuhin na nahaharap ngayon sa kasong Acts of Lasciviousness.