2-anyos nabuhusan ng kumukulong tubig, patay

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Quezon City Police District (QCPD) upang matukoy kung sino ang dapat managot sa pagkamatay ng  2-anyos na batang babae matapos na mabuhusan ng kumukulong tubig  nang mabangga ng sinasakyang tricycle ng kanyang tiyuhin ang pinapakuluang kaldero ng isang ginang sa labas ng kanilang tahanan sa Quezon City.

Kinilala ni  QCPD Novaliches Police Station (PS 4) commander  PSupt. Rossel Cejas, ang biktimang si Lovely Dyan Gamayon Puray,  residente ng 52 Sarmiento St., Bgy. Sta. Monica, Novaliches, QC.

Ang biktima ay namatay habang ginagamot sa emergency room ng East Avenue Medical Center sanhi ng tinamong grabeng lapnos sa katawan, ayon sa kanyang mga attending physician na sina Dr. John Edison P. Ramos at Dr. Dean Xyrus Searez, nitong Biyernes dakong alas-8: 21 ng gabi.

Sa ipinadalang report kahapon sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, sinabi ni PSupt. Cejas na ang aksidente ay nangyari noon pang January 9, bandang alas 4: 30 ng hapon sa kalye  Sarmiento St., Bgy. Sta. Monica.

Batay sa reklamo ni Ritchel, ina ng bata, sakay umano ang  kanyang anak sa minamanehong motorsiklo ng kanyang kapatid na nakilalang si Joseph at habang binabaybay ang kahabaan ng Sarmiento St., ay hindi nito napansin ang pinapakuluang tubig sa kaldero sa kalsada ng kapitbahay na si Flor Duyugan.

Mabilis namang tumakas ang ginang na nagpakulong tubig sa kalsada matapos ang naganap na aksidente.

Aniya, nang mabangga ng motorsiklo  ang kalderong punung-puno ng kumukulong tubig ay tumilapon ito sa kanyang anak kaya nagsisigaw ang bata matapos na malapnos ang malaking bahagi ng katawan.