2 Calixto inireklamo

January 24, 2019

SA layuning wakasan ang umano’y talamak na anomalya sa Pamahalaang Lungsod ng Pasay, apat na matataas na opisyal ng lungsod ang inireklamo ng anim na kasong administratibo at dalawang kasong kriminal sa Office of the Ombudsman kahapon.

Kabilang sa mga kinasuhan ng katiwalian sina City Mayor Antonino Calixto, Congresswoman  Imelda C. Rubiano, City Treasurer Manuel E. Leycano, Jr., at City Accountant Alegria Casugay.

Sa kanyang 11-pahinang reklamo, hiniling din ni Pablito Zabala, Jr., isang taxpayer at residente ng Maricaban, Pasay  City, sa tanggapan ng Ombudsman ang agarang pagsuspindi sa apat habang isinasagawa ang imbestigasyon sa mga kaso upang hindi umano siya takutin, saktan o ipapatay at mabayaran ang magiging testigo laban sa kanila.

Sinabi ni Zabala na nakabatay ang kanyang reklamong katiwalian sa mga dokumentong nilagdaan at pinanumpaan ng iba’t-ibang mga auditor ng Commission on Audit (COA) sa ilalim ng tatlong magkakaibang taon.

Nakasaad sa reklamo ni  Zabala na lumabag umano ang mga respondent sa Revised Administrative Code of 1987 ng Civil Service Commission Chapter 7 for Gross Neglect of Duty (B) (3); Misconduct (4); Being Notoriously Undesirable (6); Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service; mga probisyon ng Republic Act (RA) 9184 at Section 60 (c) ng RA 7160.

Naghain din ng kasong kriminal laban sa apat si Zabala dahil sa umano’y paglabag ng mga ito sa Section 3(e) ng RA 3019 at Act 3815 (Revised Penal Code) Title Vll, Chapter 2, Article 208.

Ang mga nabanggit na kasong administratibo at kasong kriminal ay may matibay na kaugnayan sa walong mga insidente na iniulat ng Commission on Audit (COA) sa kanilang Annual Audit Reports (AAR) sa mga taong 2015, 2016, at 2017.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng Unliquidated Cash Advances at Understated Expenses na itinala sa Observations and Recommendations sa ilalim ng 2017 COA-AAR; Unaccounted Cash at the Local Treasury na itinala sa Observations and Recommendations sa ilalim ng 2017 COA-AAR; Cash Advances na itinala sa Obsvervation and Recommendations sa ilalim ng 2016 COA-AAR; With held Accounts na itinala sa Observations and Recommendations sa ilalim ng 2016 COA-AAR; Real Property Tax na itinala sa Observation and Recommendations  sa ilalim ng 2015 COA-AAR; Cash Advances - P95-million na itinala sa Observations and Recommendations  sa ilalim ng 2015 COA-AAR; Reimbursement Payment na itinala sa Observations and Recommendations sa ilalim ng 2015 COA-AAR; at Value for Money Audit na itinala sa Observations and Recommendations sa ilalim ng 2015 COA-AAR.

Kabilang sa demanda si Congresswoman Rubiano dahil sa umano’y kapabayaan sa kanyang oversight function o public duty na kanyang sinumpaan sa ilalim ng batas na dapat niyang komprehensibong pigilin ang anumang illegal na gawain, pati na ang kapabayaan ng mga opisyal ng pamahalaang lungsod para sawatain ang pagtangka at paggawa ng kabalbalan na nagdulot ng seryosong sugat at pagkalugi ng interes ng mamamayan at ng pamahalaan.

Sa kabila ng paulit-ulit at taon-taon na ulat ng COA kaugnay sa mga anomalya sa pamahalaang lungsod, nagbulag-bulagan umano at walang ginawang hakbang si Rubiano para sawatain ang mga umano’y pag-abuso at malaganap na pagnanakaw sa kaban ng bayan ng mga opisyal ng lungsod para protektahan ang interes ng mamamayan at ng bayan na isa sa pinakamataas na kanyang sinumpaang tungkulin bilang opisyal ng Pasay City.

Batay sa reklamo na ibinatay sa mga ebidensiya, ang apat ay sinampahan din ni Zabala ng pagiging notoriously undesirable na katulad na kaso  sa Supreme Court sa ilalim ng G.R. No. 197745 Recto-Sambajon vs Public Attorneys Office na isinulat ang desisyon ni Associate Justice Samuel R. Martirez, kasalukuyang Ombudsman.

Ang kasong administratibo na isinampa laban kina Calixto, Rubiano, Leycano, Jr., at Casugay ay may katapat na kaparusahan na pagkasuspinde, pagkatanggal sa serbisyo, at perpetuwal na diskwalipikasyon sa paghawak ng isang public office habang ang kasong kriminal ay may katapat na parusang pagkakulong na di bababa ng isang taon o lalagpas ng 10 taon kung sakali at mapatunayan.