3 anyos ginahasa ng lasing

April 01, 2019

BISTADO ang kunwa’y pagmamalasakit ng isang helper sa tatlong-taong gulang na batang babae na umano’y kanyang nakitang pagala-gala matapos matuklasan na pinagsamantalahan pala niya ang biktima kamakalawa ng gabi sa Valenzuela city.

Kasalukuyang nagpapatrulya sa kahabaan ng Mindanao Avenue ang mga tauhan ng Valenzuela PCP-8 nang parahin sila ng suspek na si Mario Dela Cruz, Jr. 31 ng 18 Agno St. 6th Avenue, Caloocan city pagsapit nila sa kanto ng Sto. Rosario St. Brgy. Ugong dakong alas-9 ng gabi upang humingi ng tulong na madala sa barangay hall ang biktima na aniya ay nakita niyang pagala-gala.

Napansin ng mga pulis na amoy-alak si Dela Cruz kaya’t isinama nila ito patungo sa barangay hall ng Brgy. Ugong kung saan napansin ng mga tauhan ng Violence Against Women and Children (VAWC) ang bahid ng dugo sa suot na panloob ng bata.

Kaagad na inusisa ng mga tauhan ng VAWC kung bakit may dugo ang kanyang damit panloob at walang kagatol-gatol na sinabi ng bata na nilaro ni Dela Cruz ang kanyang kaselanan bago ipinasok dito ang maselang parte ng katawan ng lalaki.

Bunga ng ipinahayag ng biktima, kaagad na dinakip ng mga pulis si Dela Cruz hanggang sa matunton ng mga pulis ang magulang ng biktima matapos mag-report ang ama nito sa Barangay Mapulang Lupa hinggil sa pagkawala ng kanyang anak.

Ayon sa ama ng bata maaga niyang pinatulog ang anak subalit nagulat na lamang siya nang hindi na nila mahagilap ang bata na posibleng nakalabas ng bahay.

Kasong statutory rape ang isinampang kaso ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office,