3 huli sa P4.8M droga

February 02, 2020

Arestado ang dalawang lalaki at isang babae at nakumpiskahan ng tinatayang P4.8 milyong halaga ng droga sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Ang tatlong suspek ay nakilalang sina Jamael Hzainal, 20, may-asawa, tubong Lanao del Sur; Nabel Makabato, 27, may-asawa tubong Cagayan De Oro at Ricondaya Magarang, 51, dalaga ng Lanao Del Sur.

Sa ulat ng QCPD Talipapa Station 3 at PDEA, ang tatlo ay nadakip dakong alas-10:30 ng umaga sa Mayon St., corner Quezon Avenue, Bgy. Sta Teresita, Quezon City.

Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng shabu sa halagang P20,000 sa mga suspek at habang inaabot ang droga ay dumating ang  iba pang mga awtoridad saka inaresto ang tatlo.

Nakuha sa mga suspek ang 5 transparent plastic at 7 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 600 grams na  tinatayang nagkakahalaga ng P4.8 milyon.

Narekober din sa operasyon ang 2 sasakyan, na kinabibilangan ng isang puting Fortuner at isang Honda Civic, 2 cellphone, at P20,000 na perang ginamit sa buy-bust.

Nakakulong ngayon ang tatlo sa QCPD Talipapa Police Station at nahaharap sa sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.