3 lalaki nanloob para sa alak, pambili ng pulutan

March 25, 2020

ALAK at pambili ng pulutan ang tinarget ng tatlong kalalakihan, kabilang ang isang menor-de-edad, sa pinagnakawang establisimiento kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Ginawa ng mga suspek ang pagnanakaw isang araw matapos ipasa ng Sangguniang Panlungsod ng Valenzuela ang ordinansang iniakda ni Konsehal Bimbo Dela Cruz na nagbabawal sa pagbebenta, pagdedeliver at pag-inom ng nakalalasing na inumin sa panahon ng enhanced community quarantine.

Naaresto naman kaagad ng mga tauhan ng Valenzuela police ang mga suspek na sina Michael Joshua Aclao, 18, Mark Joseph Saringan, 23, at ang 16-anyos na binatilyong itinago sa alyas “Toto”, pawang mga residente ng Barangay Arkong Bato matapos silang ituro ng testigong nakasaksi sa ginawa nilang pagnanakaw.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Ferdinand Ortega, dakong alas-11:30 ng gabi nang akyatin nina Toto at Aclao ang bakod ng saradong establisimientong nagbebenta ng alak na pag-aari ni Noli Gorduz, 50, sa 388 Maxima Rocha St., Arkong Bato habang nagsilbi namang lookout si Saringan.

Ang hindi batid ng mga suspek, nasa balkonahe ng kanyang tirahan sa katabing kalye ang pamangkin ni Gorduz na si Mark Glenn Tindugan, 25, at kitang-kita niya ang tatlo nang tumakas, tangay ang isang kahong beer.

Ipinabatid kaagad ni Tindugan sa tiyuhin and nasaksihan kaya’t mabilis silang humingi ng tulong sa mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 5 matapos matuklasan na hindi lang beer kundi pati P2,500 sa drawer ng tindahan ay natangay ng mga kawatan.

Nabawi naman ng mga nakadakip na pulis sa tatlong suspek ang tinangay na alak bagama’t nagastos na nila ang salaping pambili ng kanilang pulutan.