4 dinampot sa pangingikil

APAT na empleyado ng isang towing company ang dinampot ng mga awtoridad matapos na ireklamo ng tangkang pangingikil ng  jeepney driver na nasangkot sa aksidente sa Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.

Nahaharap sa kasong grave coercion at obstruction of justice ang mga suspek  na sina Alfredo Leano, 25; Eddie John Decena;  Randy Tumao, 22,  at Ferdinand Bautista, 48, pawang empleyado ng M.J. Damian Towing Services.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa C.P. Garcia Avenue, Bgy. UP Campus, Quezon City habang nasa kanilang pag-iingat ang passenger jeepney na minamaneho ni Christian Narag.

Nag-ugat ang insidente nang masangkot umano ang minamanehong jeepney ni Narag sa isang aksidente, kung saan nakabanggaan niya ang isa pang jeepney sa Bgy. Libis, dakong alas-4 ng hapon.

Dapat sana ay dadalhin umano ng mga suspek ang jeepney ni Narag sa Traffic Sector 3 ng Quezon City Police District (QCPD) sa Camp Karingal, para sa gagawing imbestigasyon sa naturang aksidente, ngunit sa halip na sa presinto dalhin ay ipinarada ng mga ito ang kanilang towing truck sa C.P.Garcia Avenue at humihingi ng P5,500 na service fee.

Binabaan pa umano ang halaga sa P4,000 ngunit hindi pa rin pumayag si Narag, dahilan upang tanggihan ito ng mga suspek na dalhin ang kaniyang sasakyan sa police station.

Dahil dito ay nagsumbong sa mga awtoridad ang driver na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga tauhan ng nasabing towing company.