4 na bagets nagnakaw ng bisikleta, nanaksak

February 10, 2020

KINURSUNADA ng apat na menor-de-edad ang bisikleta ng magkakaibigan at pinagsasaksak pa ang isa matapos pumalag kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Nakaratay pa sa Valenzuela Medical Center ang biktimang si Russel Deocariza, 17, matapos siyang isugod ng mga kaibigang sina Troy Louise Boco, 17, at Raymond Graspila, 19, pawang mga residente ng Enrique Street, Panghulo, Obando, Bulacan na natangayan ng kani-kanilang bisikleta ng mga binatilyong suspek.

Nadakip naman sa ginawang follow-up operation ng mga tauhan ng Valenzuela police ang apat na kabataan, dalawa rito’y may edad na 17-taong gulang habang 16 at 15 naman ang dalawa pa na nahaharap ngayon sa kasong tangkang pagpatay at pagnanakaw.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Valenzuela police chief P/Col. Carlito Gaces, nakasakay sa kani-kanilang bisikleta ang magkakaibigan nang harangin sila ng apat na kabataan dakong alas-10:25 ng gabi sa kahabaan ng Decena St. Bgy. Arkong Bato at pilit na kinukuha ang kanilang bisikleta.