5 drug vendors huli sa Navotas

June 10, 2020

LIMA katao, kabilang ang magkapatid, isang binatilyo at manikurista ang nadakip ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation kahapon ng madaling araw sa Navotas City.

Aabot sa kabuuang timbang na 40.0 gramo na nagkakahalaga ng P285,600.  ang nakumpiska ng pulisya sa mga suspek na sina Leonida Fuentevilla, 38, Christian Ogoy, 19, kapuwa nakatira sa Fatima St. Tulay 14, Bgy. San Roque, Jayson Cubay 29 at kapatid na si Norman, 35 ng Tulay 15 Daang Hari at ang 15-anyos na itinago sa alyas Michael.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, nagkasa ng operasyon ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Lt. Genere Sanchez laban sa mga suspek dakong alas-2:40 ng madaling araw sa harap ng bahay ng manikuristang si Fuentevilla matapos ang ilang araw na surveillance operation.

Lumutang sa naturang lugar para magbenta ng P300 halaga ng droga sa pulis na nagpanggap na buyer ang binatilyong si Michael, kasama sina Fuentevilla at Ogoy bago sumunod ang dalawa pang suspek na kapuwa gumagamit ng illegal na droga.

Bukod sa 17 plastic sachet na naglalaman ng shabu, nakumpiska rin ng pulisya ang isang plastic na lalagyan ng yelo na may laman ding shabu at markadong salapi.

Sinabi ni Col. Balasabas na pansamantalang dinala ang bintilyo sa Bahay-Pagasa na nasa ilalim ng City Social Welfare Office habang nakadetine naman sa custodial facility ng Navotas police ang apat na nakatakdang iprisinta sa piskalya ng Navotas para sa inquest proceedings.