5 durugista huli sa Navotas

February 17, 2019

ARESTADO ng mga tauhan ng Navotas City Police ang limang hinihinalang miyembro ng drug syndicate kabilang na ang isang gun runner sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa nasabing lungsod.

Kinilala ni District Special Operation Unit (DSOU) head PCI Angelo Nicolas ang mga naaresto na sina Jun-Jun Malapit alyas “Tegie”, 34, ng Langaray St.; Rodolfo Santos, 26, ng Blk. 28, Lot 33, Bgy. NBBS; Mark Anthony Basilio, 29, ng Bangkulasi; Cesar Ybas, 39, ng Bgy. 14, Caloocan; at Mean Dojenas, 22, ng Bgy. 28, Caloocan city.

Sa imbestigasyon ni PO1 Bengie Nalogoc, unang nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng NPD-DSOU hinggil sa pagbebenta umano ni Malapit ng hindi lisensyadong baril kaya agad ikinasa ng mga ito ang buy-bust operation of firearm sa pangunguna ni P/ Insp. Melito Pabon kontra sa suspek sa Block 28, Area 1, Bgy. NBBS, alas-8:30 ng gabi.

Nagawang makapagtransaksyon kay Malapit ni PO1 Carlson Dapapac na nagsilbing poseur-buyer sa tulong ng kanilang mapagkakatiwalaang impormante ng isang cal. 38 revolver kapalit ng P1,000 marked money.

Habang nagaganap ang transaksyon, napansin ni PO1 Dapapac sa loob ng bahay ni Santos ang ilang katao na nagrerepack ng mga piraso ng plastic sachets ng shabu kaya agad itong nagbigay ng signal sa kanyang nakaantabay na mga kasamahan.

Agad namang sumalakay ang mga operatiba saka inaresto ang mga suspek at narekober sa mga ito ang limang plastic sachets ng hinihinalang shabu na nasa P1,000 street value ang halaga, ilang drug paraphernalia at buy-bust money.