8 timbog sa sugal, shabu sa Caloocan

August 05, 2020

WALONG pasaway na sugarol ang magkakasabay na dinakip ng pulisya sa akto ng paghitit ng shabu habang nagsusugal Martes ng gabi sa Caloocan City.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronald Ylagan ang mga nadakip sa unang grupo na sina Christopher Guerrero, 25, Domingo Salire, 24, Erwin Arogante, 28 at John Kenneth Diosa, 20 habang ang isang grupo naman ay sina Benedict Viola, 21, Eugene Manalo, 42, Joel Montero, 24 at Arnel Oliverio, 39 na pawang mga residente ng Brgy. 178 Camarin.

Sa ulat na tinanggap ni Gen. Ylagan, magkasunod na natanggap ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 15 ang isang text message at tawag sa telepono ng concerned citizen kaugnay na nagaganap na pot session at pagsusugal ng cara y cruz sa Sanana Street, Miramonte Heights, Bgy. 180 ng ilang mga kalalakihan sa kabila ng ipinaiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) dakong alas-9 ng gabi.

Bumuo kaagad ng dalawang team ang pulisya at mabilis na tinungo ang lugar kung saan inabutan nila ang dalawang grupo ng kalalakihan na nagsusugal habang humihitit ng shabu.

Nakumpiska sa dalawang grupo ang tig-tatlong coins na ginagamit bilang pangara, ilang piraso ng salaping papel at drug paraphernalia.