Abu terrorist huli

February 19, 2020

Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) at Criminal Investigation and Detection Group  (CIDG) ang isang sinasabing miyembro  ng Abu Sayyaf terrorist group  sa isinagawang pagsalakay sa kanyang tirahan sa Quezon City, nitong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Adzman Tanjal, 32, may asawa, tubong Sabah, Malaysia at nakatira sa Libyan St., Salaam Compound, Bgy. Culiat, Quezon City.  

Siya  ay naaresto dakong alas-9:30 ng umaga sa bisa ng search warrant na inilabas ng korte laban sa kanya.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang MK-2 fragmentation hand grenade, isang Colt Mark IV caliber 45 pistol, isang magazine na puno ng bala at  live ammunition.

Nabatid na isang pulis na kinilalang si P/Sgt. Lou Francis Burawes ang nasugatan sa pagsalakay makaraang tamaan ng bala ng M-16 armalite rifle sa kaliwang paa nang aksidenteng makalabit nito ang gatilyo ng nasabing baril.