Adik pinagnasaan dalagitang anak

July 05, 2019

IPINAKULONG ng isang ginang ang kanyang asawang adik matapos matuklasan ang pagnanasa ng mister sa sarili nilang anak na dalagita kamakalawa ng umaga sa Valenzuela City.

Bukod sa kasong acts of lasciviousness, sinampahan din ng pulisya ng paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na itinago lang sa pangalang Mang Rudy bilang proteksiyon na rin sa dangal ng anak makaraang makumpiska sa kanya ang dalawang plastic sachet na may lamang shabu.

Sa ulat ng Valenzuela Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), natutulog sa loob ng kanyang silid ang anak na dalagita ng suspek sa loob ng kanilang bahay sa Fernando St., Bgy. Marulas nang magising dakong alas-12 ng gabi matapos maramdaman nitong may humihimas sa kanyang puwit.

Nang magdilat ng kanyang mata ang dalagita, tumambad sa kanyang paningin ang sariling ama na nakatabi na sa kanya kaya’t dali-dali siyang bumalikwas ng bangon at nagtatakbong palabas ng silid.

Umaga na kamakalawa nang isumbong ng dalagita sa kanyang ina ang ginawa ng sariling ama kaya’t dakong 10:30 a.m. ay nagtungo na sa himpilan ng pulisya ang ginang upang isumbong ang pagnanasa ng mister sa sarili nilang anak.

Kaagad namang kumilos ang mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 3 at inaresto ang suspek na matapos kapkapan ay nakuhanan pa ng dalawang sachet ng shabu.