AFP tinawag na hibang si Sison

February 20, 2020

TINAWAG na hibang ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang founder ng Communist Party of the Philippines -New Peoples’ Army (CPP-NPA) na si Jose Maria Sison dahil sa pahayag nito na mauuwi sa kudeta ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-terminate ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Estados Unidos.

Ayon kay AFP spokesman Brig. General Edgard Arevalo, nahihibang na naman si Sison sa kanyang mga nagiging pahayag.

“Sison is hallucinating again. He mistook the AFP for his ragtag terrorist army -the NPA- where his orders are violated and his stand unsupported,” pahayag ni Arevalo.

Ipinaliwanag ni Arevalo na tila inihahalintulad ni Sison ang AFP sa NPA na sumusuway sa kanyang mga utos at binabalewala ang kanyang mga ipinaglalaban.

Kasabay nito, pinayuhan ni Arevalo ang publiko na huwag nang patulan at pansinin ang ganitong uri ng pahayag ni Sison dahil nabibigyan lamang umano ito ng hindi karapatdapat na atensyon.
“Dapat hindi nyo pinapatulan ang ganyang mga statement mula kay Sison. You are just giving him and his statements undeserved credence. Expected na ang mga ganyang linya nya. Di na dapat pinapansin.” paliwanag ni Arevalo.