Ama nagbigti sa harap ng anak, 6

SAKSI ang isang anim na taong gulang na batang babae sa diumano’y pagpapatiwakal ng kaniyang ama sa loob ng kanilang tahahan sa Novaliches  Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ni P/Lieutenant Roldan T. Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang nagbigti na si Reynaldo Alva Reforzado, 48, may asawa, construction worker, tubong Leyte at nakatira sa 255 Visayas Avenue, Brgy. Santa Lucia, Novaliches.

Batay sa pahayag ni Bernard, anak ng biktima kay P/Corporal Rodney D. Bay-os, imbestigador  ng CIDU-QCPD,  dakong alas-6:50 p.m. noong Abril 10 ay narinig niyang nagsisigaw at pumapalahaw ng iyak ang kaniyang anim-na-taong gulang na kapatid na babae, mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Dahil dito ay umakyat sa 2nd floor ng kanilang tahanan si Bernard subalit halos matulala umano siya nang makitang nakabigti sa kisame ang kanilang ama.

Agad na tinawag ni Bernard and kaniyang lolo na si Francisco at pinagtulungan nilang ibaba sa pagkakabigti ang ama mula sa kisame at nang malamang puminpintig pa ang pulso nito ay isinugod nila sa Novaliches District Hospital subalit binawian din ito ng buhay dakong 7:58 p.m., ayon sa attending physician na si Dr. Clein Acosta.

Tumanggi namang paimbestigahan pa ng pamilya ang nangyaring insidente dahil kumbinsido silang sadyang nagpakamatay ang biktima subalit hindi na nila idinetalye ang dahilan.