Ang Probinsyano Party-list suportado ‘festival’

March 21, 2019

Paninindigan ng Ang Probinsyano Party-list (AP-PL) ang pagiging ‘festival capital ng buong mundo ang Pilipinas sa oras na maupo ito sa House of Representatives.

Ayon sa AP-PL, araw-araw ay may piyestang ipinagdiriwang sa iba’t-ibang barangay sa bansa ngunit  kaunti ang nakakaalam sa pinagmulan ng mga ito.

Dahil dito, sinabi ni Alfred Delos Santos, nominee ng AP-PL, na kabilang sa mga batas na isusulong ng kanyang party-list ay ang pangangalaga ng kasaysayan at kultura.

“Higit sa pang-ekonomiyang aspeto ng pagdiriwang ng piyesta, mahalaga rin na kilalanin ang kasaysayan ng mga lokalidad sa ating bayan. Ang pagkilala sa ating mga sarili at maipagmalaki ang ating mga pinagmulan ay malaking bagay sa pangangalaga ng ating kulturang ipamamana sa kabataang Pilipino,” ani Delos Santos na isang ring Bikolano.

“Tourism is the people’s business. Ito ay susi sa pag-unlad dahil sa mga trabahong lilikhain nito at kita sa pag-aangkat at pagbuo ng imprastraktura. Ang mga dayuhan ay gumagastos na siya namang nagpapalakas sa lokal na ekonomiya. Kinikilala rin ang turismo sa kontribusyon nito sa pagtaas ng kita sa dayuhang pananalapi, pamumuhunan, at pinansyal na pag-unlad ng bawat bansa,” dagdag pa ni Delos Santos.

Iginiit ni Delos Santos na mahalaga ang papel ng mga piyesta sa pagbuo ng pambansang kamalayan.  “Ipinagbubuklod nito ang mga tao mula sa iba’t-ibang relihiyon, kakayanan at estado sa buhay,” paliwanag niya.