Army handang ipagamit ang mga kampo kung kailangan para sa mga COVID 19 patients

NAKAHANDA ang pamunuan ng Philippine Army (PA) na ipagamit ang kanilang mga kampo sa sandaling kailanganin ito para paglagakan ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19. 

Ito ang tiniyak ni PA Commanding General Lt Gen Gilbert Gapay.

Ayon kay Gapay, handa ang lahat ng kanilang mga kampo nationwide sakaling kakailanganin ng dagdag na pasilidad para sa mga COVID-19 patients.

Aniya hindi lamang ang headquarters ng Philippine Army sa Fort Bonifacio sa Taguig ang naghanda ng mga gusali para gawing quarantine area ng mga nandito sa Metro Manila kundi lahat ng kanilang kampo sa iba't ibang panig ng bansa.

Sinabi ni Gapay na naglabas narin siya ng direktiba sa mga units ng Philippine Army sa buong bansa na maghanda ng containment facilities para sa mga COVID-19 patients.

Bukod dito pinaghanda rin ni Gapay ang mga ospital sa mga kampo ng Philipine Army nationwide partikular ang pagkakaron ng isolation room para sa mga posibleng COVID patient.

Aniya, dito sa Luzon ang Fort Magsaysay sa Nueva Ecija na dating Drug rehabilitation ang malaki nilang pasilidad ang inihanda nila sakaling kakailanganin dahil mayroon itong 10,000 facilities.

Kaugnay nito, patuloy paring nakikiusap ang opisyal sa publiko manatili sa bahay para mapigil ang paghawa hawa ng virus.