Babae sinaniban ng demonyo, binasag rebulto ni Mama Mary

March 18, 2020

ISANG 30-anyos na babae ang mistulang sinaniban ng demonyo ang nagwala sa Sta Lucia Municipal Hall, Bgy. Angkileng, Sta. Lucia, Ilocos Sur noong Martes ng umaga.

Nakilala ang babae na si Jeneveve Lucero, 30, walang asawa, walang trabaho, tubong Bgy. Mabua, Surigao City at kasalukuyang nakatira sa Bgy. Bani Sta Lucia Ilocos Sur.

Sa inisyal na imbestigasyon, ang babae ay bigla na lang pumasok sa nasabing lugar at pumasok sa opisina ng  Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO).

Nagsisigaw siya at kinompronta ang isang staff ng MSWDO na si Leonora Menggoy y Rivera.

Habang nagsisigaw, bigla na lang hinablot ng babae ang rebulto ni Mama Mary na nakalagay sa altar, ibinagsak ito sa sahig at pinaghahampas hanggang ito ay masira.

Ang suspek ay inaresto ng mga tauhan ng  Sta Lucia Police Station at dinala sa Sta. Lucia District Hospital para sa physical examination at dinala sa Sta Lucia PS para sa tamang disposisyon.