Babaeng snatcher nasukol ng biktima

March 06, 2020

NABIGONG matangay ng isang babaing snatcher ang mamahaling mobile phone ng empleyadang ginang matapos siyang habulin hanggang sa maabutan ng biktima kamakalawa ng hapon sa Makati City.

Tinangka pang manlaban ng snatcher na si Jennylyn Mendoza, 43, ng 872 T.M. Kalaw St. Ermita, Manila nang abutan siya ng kanyang biniktimang si Vanessa May Salazar, 35, ng 9219 Pateros St. Bgy. Valenzuela, Makati subalit tumulong na ang mga kalalakihan sa naturang lugar na nakasaksi sa pangyayari kaya’t isinuko na lang niya ang hinablot na cellular phone.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Dictador Cabbab ng Makati Police Theft and Robbery Section, naglalakad sa Access Road, Valero St. Bgy. San Lorenzo ang biktima dakong alas-2 ng hapon nang biglang hablutin ng suspek ang hawak niyang Lenovo cellular phone na nagkakahalaga ng P15,000 at mabilis na tumakas.

Hindi naman nasiraan ng loob ang biktima at hinabol ang babaing snatcher hanggang sa maabutan sa hindi kalayuan.

Isinailalim na sa inquest proceedings sa kasong robbery snatching ang suspek sa Makati City Prosecutor’s Office.