Babaeng suspek sa pagbaril, hinahanap

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang isang babae na diumanoy bumaril sa isang hindi pa nakikilalang 50-anyos na lalaki sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Anthony R. Tejerero ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang di-pa nakilalang biktima ay nasa edad 50-55, medium built,  nakasuot ng gray T-shirt at red jersey.

Batay sa pahayag ng nakasaksing si Erlinda Nidoy, dakong alas-9:00 ng gabi (March 31) habang nakikipag-kwentuhan siya sa kaniyang mga kamag-anak sa  Lower Molave St., sa kanto ng Diamond Hills, Molave Extension, Brgy. Payatas B, ay nakarinig sila ng magkasunod na putok ng baril.

Ayon kay Nidoy, nang kanilang usisain ay nakita na lamang nila ang lalaking duguang nakabulagta at napansin nila ang isang hindi kilalang babae na tila nagmamadali pero nang mapansin sila ay lumapit ito at humingi umano ng saklolo at sinabing mister niya ang napatay.

Pinayuhan naman ni Nidoy ang babae na mag-report ito sa himpilan ng pulisya subalit bigla na lamang naglaho ang ginang.

Inaalam pa ng pulisya kung ang ginang na nagkunwaring humingi ng saklolo kay Nidoy ang siyang responsable sa naturang krimen subalit hindi pa ito natutunton at hindi rin nagreport sa mga awtoridad.