Babaing sikyu pinagsasaksak kapwa sikyu

April 20, 2020

PINAGSASAKSAK ng babaing security guard and kanyang biyudang kasamahan sa trabaho matapos umanong dedmahin ng biktima ang kanyang katanungan kung saan siya nakatalaga kamakalawa ng umaga sa Valenzuela City.

Kaagad na isinugod ng Valenzuela Rescue Team ang biktimang si Helen Carte, 58 ng 23 I. Cabral St, Bgy. Maysan sa Valenzuela Medical Center kung saan siya patuloy na nakaratay matapos gamutin ang kanyang mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nadakip naman ng mga nagrespondeng tauhan ng Maysan Police Assistance Center ang suspek na si Milane Lazaro, 51 ng Bancat, Maycauayan, Bulacan at nakumpiska rin sa kanya ang patalim na may bahid pa ng dugo.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dumating sa kanyang pinaglilingkurang tanggapan sa Las Veras Building sa Maysan Road ang suspek dakong alas-6:40 ng umaga at nagtungo sa parking space kung saan niya inabutan ang biktima.

Tinanong umano ng suspek si Carte kung saan siya ngayon nakatalaga subalit hindi siya sinagot ng biktima na parang walang narinig.

Dito na nairita ang suspek kaya’t kaagad na kinuha ang dalang patalim at paulit-ulit na tinarakan sa bahagi ng katawan ang biktima.

Kahapon ay i-prinisinta na ng pulisya sa piskalya ng Valenzuela city para sa inquest proceedings ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder.