Bahala na Gang member pinagbabaril hanggang mamatay sa QC

ISANG lalaki na miyembro umano ng grupong Bahala na Gang ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng di pa nakilalang gunman sa bakanteng lote sa Barangay Old Balara, Quezon City, nitong Lunes ng hapon.

Inilarawan ang biktima na nasa edad 25-28, payat, nakasuot ng puti at asul na stripes t-shirt, checkered short pants, at may mga tatoo na 'Jasper,  Bahala na Gang, Randy FRMRS, Mhar, D. Papang at Randy Jan.'

Sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Christian D. Loyola ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang insidente ay naganap dakong alas-5:45 ng hapon (April 13), sa bakanteng lote sa Dupax St., Brgy. Old Balara, QC.

Ayon sa mga residente sa lugar, nasa loob sila ng kanilang mga tahanan nang makarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril at nang kanilang usisain ay tumambad ang duguang bangkay ng biktima na nakahandusay sa semento.

Nakasamsam ang SOCO team sa pamumuno ni PMaj. Joseph Infante ng pitong basyo ng bala ng di-pa batid na kalibre ng baril.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa nangyaring pamamaril upang makilala ang salarin.