Bayani na naging kawatan pa

April 17, 2020

Ito ang kinahinatnan ng isang security guard na nagmalasakit na tulungan ang mag-asawang Chinese national na hinoldap ng dalawa nilang kababayan matapos matuklasan ng pulisya na kinupit niya at isa pang kasama ang bahagi ng salaping nabawi sa mga suspek kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.

Kasong pagnanakaw ang isasampa ng pulisya laban kay Luwie Manuevo, 34, security guard ng Westgate Hub at residente ng 91 Dalya St., Bgy. Old Capitol Site, Quezon City habang inaalam pa ang pangalan ng kanyang kasama samantalang robbery/holdup naman ang kakaharaping kaso nina Wang Hui Yang, 27 at Xie Jian Nan, 30, na kapuwa Chinese national.

Batay sa imbestigasyon, nagpanggap na naglilingkod sa isang financing company ang mga suspek at hinimok ang negosyanteng kababayang si Zhu Hijun, 41, ng 2202 Tower B, Jazz Residence, Bel Air, Makati city na palitan ng salapi ng kanilang bansa ang kanyang P6 milyong cash.

Pumayag si Zhu sa alok ng mga kababayan kaya’t dakong alas-4 ng hapon nang makipagkita siya, kasama ang kanyang asawa, sa mga suspek sa Commerce Avenue, Ayala, Alabang, dala ang P6 na milyong cash.

Sa loob ng sasakyan ng biktima ipinakita ni Zhu sa mga suspek ang salapi subalit sa halip na palitan, naglabas ng isang uri ng kemikal ang isa sa kababayan at winisikan ang mata ng mag-asawa bago nagmadaling lumabas ng kotse, tangay ang salapi na nakalagay sa bag.

Bago pa man makalayo ang mga suspek, nagawang humabol ng biktima subalit pinaputukan siya ng isa sa mga suspek na nakatawag pansin kay Manuevo na noon ay naka-duty kaya’t tinulungan niya ang mag-asawa na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa at pagkakakumpiska sa kalibre .45 baril ng isa.

Dinala ni Manuevo at kasamang guwardiya sa Administrative Office ng kanilang tanggapan ang mga suspek bago isinuko kay Lt. Nelson Cablitas, hepe ng Sub Station 5 ng Muntinlupa police, pati na ang bag na naglalaman ng salapi at nakumpiskang baril.

Gayunman, nang bilangin ng mag-asawa ang nabawing salapi, nagulat sila dahil kulang na ito ng P10,000 at sa masusing interogasyon ni Lt. Cablitas, inamin ni Manuevo na kinupit niya at kasama ang nawawalang salapi.