Binata, 53, sinaksak ng 7X, dedo!

PINAGHAHANAP ng pulisya ang lalaki na huling nakitang kasama ng isang clerk na natagpuang patay at may pitong saksak sa katawan sa loob ng inuupahan nitong unit sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.

Sa inisyal na report kay PInsp. Nick S. Fontanilla, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima ay nakilalang si Salvador Mendoza Alcantara, 53-anyos, walang asawa, clerk sa Taytay Rizal City Hall at residente ng No. 97 14th Avenue, Brgy. Socorro, Murphy Cubao.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Anthony R. Tejereros, ng CIDU, natagpuan na duguan at may pitong saksak ng kutsilyo sa katawan ang biktima sa kanyang silid sa room 2F sa kanyang nabanggit ng tahanan, dakong alas-9:30 ng umaga (January 20).

Ayon sa pahayag ng pamangkin ng biktima na nakilalang si Val Benedict Gonzales, matagal na umanong solong naninirahan sa nasabing address ang kanyang tiyuhin.

Aniya, dahil hindi niya makontak ang kanyang tiyuhin ay minabuti na niyang puntahan ito sa inuupahang unit subalit naka-locked umano ang main door nito.

Dahil dito ay puwersahang binuksan ni Gonzales ang pintuan at nang makapasok ay bumungad sa kanya ang mga bakas ng dugo sa dingding ng living room.

Agad umano niyang inikot ang loob ng unit ng kanyang tiyuhin at nakita niya ang bktima na duguang nakahandusay sa kusina at wala nang buhay.

Sinabi naman ng mga kapitbahay ng biktima, huling nakitang buhay ang biktima nitong January 19, dakong alas-2:00 ng madaling araw na may kasamang isang lalaki at sabay na pumasok sa inuupahan niyang unit.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkikilanlan ng kasamang lalaki ni Alcantara na huling nakitang kasama nito na pumasok sa kaniyang unit na posibleng may kinalaman sa naganap na krimen.