Binatilyo, 16, grinipuhan sa bibig!

February 27, 2019

SINAKSAK sa bibig ng matandang pedicab driver ang isang 16-anyos na binatilyo matapos umanong magising ang suspek sa ingay ng biktima at barkada nito Martes ng umaga sa Quezon City.

Agad na namatay ang biktima na nakilalang si Randy Rosito Bermas, 16, pedicab driver, at residente ng CMLI Compound, Agham Road, Bgy. Pag-asa, Project 6, Quezon City, sanhi ng tinamong malalim na saksak sa ilalim ng bibig at dibdib.

Nakakulong sa detention cell ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na nakilalang si Andresito Talason Angkig, 52, pedicab driver  at naninirahan sa isang barung-barong na itinayo sa kalsada sa Quezon Avenue, Bgy. Central ng nasabing lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Julius Cesar T. Balbuena ng QCPD-CIDU ang insidente ay naganap dakong 11:30 a.m. sa harapan ng Philippine Blood Center na matatagpuan sa Quezon Ave., Barangay Central.

Batay sa pahayag ng mga kasamahang minor ng biktima na nakilalang sina Rolando Robles Jr., Hasmin Gayon, Hannilyn Panganiban, Elaine Percia, Jomar Dela Cruz, at isang alyas Nonoy, masaya umano silang nagkukwentuhan habang kumakain malapit sa barung-barong ng suspek nang mangyari ang insidente.

Dahil nagpapahinga umano ang suspek sa loob ng kanyang barung-barong ay lumabas ito at pinagalitan ang mga kabataan na nag-iingay sa labas ng kanyang tahanan.

Sa halip na tumahimik ang mga kabataan ay nagalit pa umano ang mga ito sa suspek hanggang sa magkasagutan ang magkabilang-panig.

Mabilis namang kumuha ng kutsilyo ang suspek at nang akmang susuntukin siya ng biktima ay agad niya itong inundayan ng saksak sa ilalim ng bibig at sinundan pa sa dibdib hanggang sa duguang bumagsak ang binatilyo.