Biyuda, 74, sinaksak ng 30X sa bahay!

March 20, 2020

TINADTAD ng 30  saksak ng di pa kilalang mga kawatan ang 74-anyos na biyuda matapos pasukin at pagnakawan ang biktima sa loob ng kanyang tirahan kamakalawa ng gabi sa Paranaque City.

May kabuuang 30 tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Sonia Moral nang madiskubre ang kanyang duguang bangkay sa loob ng kanyang tirahan sa 8402 Hemlock St. Marcelo Green Village, Bgy. Marcelo sa naturang lungsod ng kanyang mga kapitbahay dakong alas-10 ng gabi.

Sa tinanggap na ulat ni Paranaque police chief P/Col. Robin King Sarmiento, posibleng nangyari ang insidente ng pagpaslang sa biktima sa pagitan 3 p.m. hanggang 7 p.m., batay sa rin sa pagsusuri ng mga nagrespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Nag-iisa lamang na naninirahan sa kanyang bahay ang biyuda at tanging ang mga nagmamalasakit niyang kapitbahay ang tumitingin lagi sa kanyang kalagaya.

Sa pahayag naman ng mga kaanak ay wala namang itinatago o naitatabing malaking halaga ng salapi at alahas ang biktima.

Nadiskubre ang bangkay matapos magduda ang mga nagmamalasakit niyang kapitbahay na hindi siya tumutugon sa tawag kaya’t humingi na sila ng tulong sa mga awtoridad.

Nakita naman sa loob ng bahay ang nagkalat na mga pekeng alahas at magulong-magulo rin ang loob na palatandaang naghalughog ang mga salarin sa paghahanap ng makukulimbat.

May hinala ang pulisya na matagal ng minamanmanan ng mga salarin ang biktima at posibleng nanlaban din kaya’t tinadtad siya ng saksak.

Pinag-aaralan na ng pulisya ang mga kuha ng close circuit television (CCTV) camera sa paligid na lugar sa loob ng barangay sa posibilidad na makilala ang salarin habang isinaisantabi naman ng pulisya na may kaugnayan sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa lungsod ang nangyaring pagpatay.

Iniimbistigahan na ng National Capital Region Police ang kaso habang pinapatupad pa rin ng lokal na pulisya ang Enhanced Community Quarantine sa siyudad.

Sinabi ni NCRPO director, Major General Debold M. Sinas na pinabulaanan  na ni Parañaque City Police Station na pinangungunahan ni  Colonel Robin Sarmiento na ang pagpaslang ay may kinalaman sa Enhanced Community Quarantine   sa gitna ng mga speculations na ang biktima ay tinarget dahil sa suspetsang may virus ito.
 
“It appears that the suspect or suspects are experienced criminal or criminals who took advantage of the fact that the victim was living alone,” ani Sinas.

With Alfred P. Dalizon