BJMP personnel sa Las Pinas isinailalim sa COVID-19 test

April 29, 2020

SUMAILALIM kahapon sa COVID-19 test ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nakatalaga sa Las Pinas City Jail.

Isa sa mga prayoridad ni Mayor Mel Aguilar na tiyakin ang seguridad pangkalusugan ng mga frontliners sa lungsod maliban pa ang food security at peace and order sa kanyang mga nasasakupan ngayong panahon ng krisis dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

"Isa po sa ating prayoridad na matest ang ating BJMP personnel para masiguro ang kanilang kalusugan at maiwasan ang pagkalat ng virus sa loob ng ating city jail," pahayag ni Mayor Aguilar.

Ito ay hiwalay pa sa isinasagawang rapid testing ng Las Pinas city government para sa mga health frontliners sa iba't ibang barangay.

Dakong 9:00 ng umaga nang isailalim sa swab testing ang 22  BJMP personnel sa pamamagitan ng pagkuha ng mucus sample sa ilong at lalamunan sa pangangasiwa ni Dr. Rosarie Oca.

Ayon kay City Health Office Chief Dr. Ferdinand Eusebio, ang mga swab samples ng BJMP personnel ay dadalhin naman sa Philippine Red Cross (PRC) para doon suriin kung positibo o negatibo ang mga ito sa COVID-19.

Matatandaan nitong nakaraang linggo na nilagdaan ang isang Memorandum of Agreement (MOA ) sa pagitan ng Las Pinas government at ng PRC para sa 1,500 swabbing test kits na nagkakahalaga ng P5 milyong piso na inilaan sa pagtugon ng COVID cases sa lungsod.

Batay sa PRC malalaman ang resulta ng swab test ng isang pasyente sa loob ng 48-oras.