BPO agent dinaliri nang malasing

August 10, 2020

DINALIRI ng 56-anyos na lalaki ang maselang parte ng katawan ng dalagang business process outsourcing (BPO) agent nang makatulog sa kalasingan ang biktima Linggo ng madaling araw sa Las Piñas city.

Bago nangyari ang insidente, nakipag-inuman ang 27-anyos na biktimang itinago sa pangalang “Mercy”, residente ng Zamora St. Pandacan, Manila, sa bahay ng kanyang kaibigan sa Ipil St. Green Revolution, Bgy. CAA Las Pinas city Sabado ng gabi.

Nang makaramdam ng hilo, hiniling ni Mercy sa kaibigan na hindi na muna siya uuwi at doon na pansamantalang magpapalipas ng magdamag hanggang sa makatulog bunga ng dami ng nainom na alak.

Dakong alas-4 ng madaling araw ng Linggo nang magising si Mercy matapos maramdaman ang paghapdi ng kanyang kaselanan at nagulat na lamang siya nang matuklasan ang ginawang pagdaliri sa kanya ng suspek na nakilalang si Aquilino Tayactac, walang hanapbuhay at naninirahan din sa bahay ng kaibigan ng biktima.

Isinumbong ni Mercy sa kaibigan ang kalapastanganang ginawa sa kanya ng suspek kaya’t kaagad silang humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Ayon kay P/CMSgt. Lucia Conmigo, imbestigador ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) dakong alas-3:50 ng hapon nang dalhin sa kanilang tanggapan ng mga opisyal ng barangay ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa R.A 8353 o ang Anti-Rape Law.