
City Hall, Manila Police District nilinis eyesore sa Manila Bay
Sinuyod ng mga tauhan ng pinagsanib na puwersa ng Manila City hall at Manila Police District ang kahabaan ng Manila Bay upang linisin ang lugar mula sa mga vendors at tambay.
Alas 7 ng umaga nang isagawa ng Manila Department of Social Welfare, Department of Public Services, Manila Action and Special Assignment at City Security Force ang operasyon at clean up drive sa Manila Bay.
Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada ang pagsasagawa ng clean up Drive sa kahabaan ng Roxas Blvd.sa Manila Bay alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Duterte na buhayin ang Manila Bay.
Pinayuhan din ni Estrada ang mga awtoridad na pairalin ang maximun tolerance sa mga sisitahin at paaalising vendors at tambay.
Sangkaterbang basura din ang nakuha sa Manila Bay na agad namang hinakot ng DPS.
Nabatid sa DPS na regular na nila umanong ginagawa ang paglilinis sa kahabaan ng Roxas Blvd. at wala anilang katutuhanan ang paratang ng ilang mga kritiko na ginagawa lamang ni Estrada ang paglilinis dahil malapit na naman ang eleksyon.
Matatandaan na umani ng mga batikos ang ginagawang paglilinis ni Estrada sa mga estero, Divisoria maging sa kahabaan ng Roxas Blvd. na papogi lamang umano ang ginagawa ng alkalde dahil anila nalalapit na ang halalan at nais umanong makahakot ng boto si Estrada kaya niya ginagawa ang paglilinis sa Manila Bay.