Computer technician sa QC pinagbabaril sa bahay, patay

Pinasok sa loob ng bahay saka pinagbabaril ng 'riding in tandem' ang isang computer technician sa Quezon City, nitong Sabado ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Jonathan Cuya Carlet,  38, binata, computer technician at naninirahan sa No. 1917 Unit 5 Adarna Extension Street, Purok 19, Barangay Commonwealth, Quezon City.

Sa inisyal report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang insidente ay naganap dakong alas-4 ng hapon (May 23) sa loob mismo ng tahanan ng biktima.

Batay sa pahayag ng kapatid ng biktima na si Albert, nagpapahinga siya sa kaniyang kuwarto nang makarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril na tila sa loob lamang ng kanilang tahanan.

Agad umanong lumabas ng silid si Albert at nang makita siya ng kapatid na noon ay duguan ay tumakbo sa kaniya subalit hinabol pa rin ng mga suspek at muling pinaputukan ng baril.

Hindi naman idinamay ng mga suspek si Albert at tanging ang biktima lamang ang pinagbabaril ng mga ito.

Nang matiyak na wala nang buhay ang target ay agad namang tumakas ang di-pa nakilalang mga suspek sakay ng motorsiklo na walang plaka.

Hinala ng mga awtoridad na ang biktima lamang ang target ng mga salarin dahil hindi naman idinamay ang kapatid nito, gayunman inaalam pa ang ang motibo sa naganap na krimen.