COVID-19 inisnab ng 2 ‘shabungero’, P39.4K shabu nakumpiska sa Caloocan

April 03, 2020

MISTULANG eksena sa pelikula ang ginawang pakikipag-habulan ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa mga tumugis na pulis matapos nilang isnabin ang ginagawang checkpoint ng mga awtoridad kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Sakay ng kanilang motosiklo sina Cpl. Xyron Pacumbala at Cpl. Junnel Dingalan, mabilis nilang tinugis ang dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo matapos takasan ang mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint sa Phase 4, Brgy. 176 Bagong Silang dakong alas-10:20 ng gabi.

Ayon kay Lt. Mario Solangon, Jr, nagsasagawa sila ng checkpoint kaugnay sa ipinaiiral na enhance community quarantine nang tinangka nilang pahintuin ang mga suspek na nakilalang sina Edward Allen Mang, 31 ng Phase 8A, Package 7 at Francisco Layco, Jr. 27 ng Phase 10A Packaged 4 Block 63, Brgy 176, dahil sa kawalan ng suot na helmet.

Sa halip na huminto, pinaharurot ni Mang ang minamanehong motorsiklo kaya’t ipinahabol sila ni Lt. Solangon sa dalawang tauhan, gamit din ang isa ring motorsiklo.

Na-korner ang dalawa sa Langit Road, Bagong Silang at nang kapkapan, nakumpiska sa kanila ang dalawang medium-size na plastic sachet na naglalaman ng 5.8 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P39,440.

Iniutos din ni Lt. Solangon na i-impound ang gamit na Yamaha mio sporty motorcycle ng mga suspek habang inihahanda na ang pagpi-prisinta sa kanilang sa inquest proceedings para sa sinampang kasong pag-iingat ng bawal na droga sa ilalim ng R.A 9165.