Dagdag 1,333 traditional jeeps bibyahe sa Metro

August 24, 2020

KARAGDAGANG 1,333 traditional jeepney sa 23 routes ang  bibiyahe na sa Metro Manila simula August 26,2020, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Base sa Memorandum Circular 2020-040,  maaaring bumiyahe ang mga traditional PUJs sa mga rutang nakasaad sa MC nang walang special permit.

Kapalit naman ng special permit ay ang QR Code na ibibigay sa bawat operator bago pumasada. Ang QR Code ay dapat naka-print sa short bond paper at naka-display sa PUJ unit. Maaari itong i-download QR Code mula sa website ng LTFRB (www.ltfrb.gov.ph) simula Agosto 25,  2020.

Pinapaalala naman ng ahensya na walang taas-pasahe na ipapatupad maliban na lang kung may ianunsyo ang LTFRB. Sa ngayon, nasa P9 ang unang apat na kilometro at P1.50 sa mga susunod na kilometro ang pasahe sa traditional PUJ.

Bukod pa sa mga ito, kinakailangan na naka-register sa Land Transportation Office (LTO) ang PUJ unit upang masiguro na ito ay roadworthy sa pagbiyahe sa kalsada, at mayroong valid Personal Passenger Insurance Policy.

Kabilang din sa mga requirements para mag-operate ang traditional PUJs ay ang pagsunod sa safety measures alinsunod sa mga alintuntunin ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) tulad ng pagsuri sa body temperature, pagsusuot ng face mask/shield at gloves sa lahat ng oras, at ang pag-operate ng 50% maximum passenger capacity ng PUJ.