Dagdag ruta ng PUJ matapos ng MECQ

August 13, 2020

MAGDARAGDAG muli ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng additional na 15 na ruta ng Traditional Public Utility Jeepney (PUJ) oras na alisin ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa loob ng Metro Manila sa susunod na Linggo.

Ang order ay base sa Memorandum Circular No. 2020-029A noong 31 Hulyo 2020 para sa karagdagang ruta na bubuksan para sa 968 traditional PUJ sa 05 Agosto 2020.

Ipinagpaliban ang pagbiyahe ng mga PUJ dahil sa pagpapatupad ng MECQ sa Metro Manila noong 04 Agosto 2020 na tatagal hanggang 18 Agosto 2020.

Ayon din sa MC pwedeng bumiyahe ang mga traditional PUJs sa mga rutang nakasaad sa MC nang walang special permit .

Ngunit kapalit ng special permit  ay ang QR Code na ibibigay sa bawat operator bago pumasada. Ang QR Code ay dapat naka-print sa short bond paper at naka-display sa PUJ unit. Maaari itong i-download QR Code mula sa website ng LTFRB na nasa link na ito: www.ltfrb.gov.ph/puj-service-mc-2020-029

Pinapaalala naman ng ahensya na walang taas-pasahe na ipapatupad maliban na lang kung may ianunsyo ang LTFRB. Sa ngayon, nasa P9.00 ang unang apat na kilometro at P1.50 sa mga susunod na kilometro ang pasahe sa Traditional PUJ.

Bukod pa sa mga ito, kinakailangan na naka-register sa Land Transportation Office (LTO) ang PUJ unit bilang roadworthy o akma sa pagbiyahe sa kalsada, at mayroong valid Personal Passenger Insurance Policy.

Kabilang din sa mga requirements para mag-operate ang Traditional PUJs ay ang pagsunod sa safety measures alinsunod sa mga alintuntunin ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) tulad ng pagsuri sa body temperature, pagsusuot ng face mask, pagtupad sa Social Distancing Guidelines, at ang pag-operate ng 50% maximum passenger capacity ng PUJ.

Dagdag pa riyan ang pagsunod sa utos ng Department of Transportation (DOTr) na pagsusuot ng face shield ng draybers, konduktor, at commuters sa mga pampublikong sasakyan na magiging epektibo mula 15 Agosto 2020.

Narito ang mga routes na bubukasan ayon na rin sa order. T115 Malabon - Monumento via Acacia, T116 Cielito- Novaliches via Zabarte,T117 Novaliches - Deparo via Susano,T118 SM Fairview - Lagro Subd. Loop,T119 Meycauayan, Bulacan – Bignay,T120 Pantranco - Project 8 via Roosevelt, T217 Forbes Park - Pasay Rd. via Ayala Commercial Center, T218 Pasig - Taguig via Maestrang Pinang, Tipas, T219 Marikina – Paenaan, T220 Katipunan - Marcos Ave/Tandang Sora,T347 Cabrera – Libertad, T348 Arroceros - Cubao via España, T349 Quiapo (Barbossa) - Santol, Sta. Mesa, T350 Dagat-dagatan - Delpan via Divisoria,T351 Quiapo - San Miguel via Palanca.

Pinapaalala ng LTFRB sa mga Traditional PUJs na sundin ang mga patakaran ng ahensya. Ang sinumang mahuli na lalabag sa mga probisyon ng MC ay papatawan ng kaukulang parusa at multa, at maaaring tanggalan ng Certificate of Public Convenience (CPC) o Provisional Authority (PA).