Dalaga lumaklak ng 10 sleeping pills dahil sa LQ

March 14, 2020

SAMA ng loob sa kasintahan ang dahilan ng tangkang pagpapakamatay ng 20-anyos na dalagang accountant ma-tapos uminon ng 10 sleeping pills kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Kaagad namang nai-sugod ng kanyang ama sa Manila Central University Hospital ang biktimang itinago lang sa pangalang Myra matapos makaramdam ng labis na pagkahilo, ilang minuto matapos laklakin ang 10-tableta ng Kirkland sleeping aid dakong alas-7 ng gabi.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Caloocan police chief P/Col. Dario Menor, nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan si Myra at ang kanyang kasintahan na naging dahilan upang makaranas ng labis na depresyon ang dalaga.

Habang nasa loob ng kanilang bahay sa Bagong Barrio, Bgy. 148 si Myra, kinuha nito ang gamot na pampatulog at isinubo ang 10 tableta ng lingid sa kaalaman ng kanyang pamilya.

Gayunman, nang makaramdam ng labis na pagkahilo ang dalaga, dito na biglang nagbalik ang kanyang katinuan at humingi ng tulong sa kanyang ama na mabilis namang nagsugod sa kanya sa pinakamalapit na pagamutan.

Ayon sa pulisya, nagkamalay na si Myra at kasalukuyang nagpapagaling na lamang sa pagamutan.