Dalagita, 14, puwersang nilasing bago gahasain

March 05, 2020

PUWERSAHANG pinainom muna ng alak ang 14-anyos na dalagita ng kanyang menor-de-edad ding kaibigan bago pinagsamantalahan matapos malasing kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Naaresto naman ng mga barangay tanod ng Bgy. Hulong Duhat ang 17-anyos na suspek na isang estudyante makaraang makapaghain ng reklamo ang biktimang itinago lang sa pangalang “Josie”, isang out-of-school-youth (OSY) ng Meycauayan, Bulacan.

Sa nakarating na ulat sa tanggapan ni Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, niyakag ng kanyang mga kaibigang lalaki ang dalagita sa isang bahay sa Balut St. Bgy. Hulong Duhat at doon ay puwersahan umano siyang hinimok na makipag-inuman.

Nang maubos umano ang isang bote ng gin, nakaramdam na ng pagkahilo na palatandaan ng kalasingan ang biktima hanggang niyakag siya ng binatilyong suspek na magtungo sa comfort room dakong alas-6 ng gabi.

Habang nasa loob ng banyo, naghubad umano ng suot na damit pang-ibaba ang binatilyo bago puwersahang hinubaran din ng suot na short pants at panty ang dalagita bago tuluyang pinagsamantalahan.