Dalagita ginapang ng manyakis

April 20, 2020

SINAMANTALA ng isang manyakis ang mahimbing na pagtulog ng 15-anyos na dalagita matapos pasukin sa loob ng silid ang biktima at pagsamantalahan kamakalawa ng madaling araw sa Navotas City.

Natuklasan lamang ng ama ng Grade 10 na biktimang itinago sa pangalang “Cherry” ang pangyayari nang magsumbong sa kanya ang anak matapos na tumakas ang suspek na hindi pa rin nakikilala ng pulisya sa kasalukuyan.

Sa ulat na tinanggap ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, natutulog pa sa silid ng kanilang tahanan sa Bgy. San Roque si Cherry nang magawang pasukin ng pangahas na lalaki dakong alas-4 ng madaling araw.

Sa pamamagitan ng pananakot, nagawang hubaran ng lalaki ang lahat ng saplot sa katawan ng dalagita at matagumpay na naisakatuparan ang makamundong hangarin sa kabila ng pagpupumiglas ng biktima.

Bago tumakas, binantaan pa ng suspek ang dalagita na huwag gagawa ng ingay kung nais pa niyang mabuhay kaya’t nagawa lamang magsumbong ni Cherry sa ama, 37, ang panghahalay sa kanya nang matiyak na wala na ang manyakis.

Humingi na ng tulong sa Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ang ama ni Cherry upang magsagawa ng imbestigasyon para makilala at madakip ang suspek.

Sa report ni P/Cpl. Kristine Magno, imbestigador ng WCPD, kanilang sasamahan sa Northern Police District (NPD) Crime Laboratory ang dalagitang biktima upang sumailalim sa genital at physical examination.