Empleyado ng gobyerno nangmanyak arestado

July 25, 2020

NIYAKAP at pinupog ng halik ng isang government employee ang 18 na magandang fish vendor matapos yakagin ang biktima sa loob ng kanilang bahay Sabado ng umaga sa Valenzuela city.

Kasama ng biktimang itinago sa pangalang Rose, estudyante, ang kanyang ama habang naglalako ng panindang isda sa kahabaan ng Martina Street dakong alas-7 ng umaga nang tawagin ng suspek na si Ericson Brazas, 56, at sinabihang pumasok sa kanilang bahay sa Block 1 Bgy. Coloong I dahil bibili umano ng isda ang kanyang asawa.

Sumunod naman si Rose sa pag-aakalang bibili ng isda ang misis ng suspek subalit pagpasok niya sa loob ng bahay, bigla siyang niyapos ng mahigpit ni Brazas at pinanggigilang pupugin ng halik ang kanyang leeg at pisngi.

Nagpumiglas ang biktima at malakas na itinulak ang suspek bago nagtatakbong palabas ng bahay.

Isinumbong ni Rose sa kanyang ama ang ginawang kapangahasan ng suspek kaya’t  kaagad silang nagsumbong at humingi ng tulong sa Valenzuela Police Sub-Station na nagresulta sa pagkakadakip kay Brazas.

Iprinisinta ng pulisya sa piskalya para sa inquest proceeding ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong Acts of Lasciviousness,