Ex-QC tanod pinagbabaril hanggang mamatay sa bahay

PATAY ang isang dating barangay tanod matapos pagbabarilin sa loob ng kaniyang bahay sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ang biktima ay kinilalang si Arsenio Guzman Jr., nasa hustong gulang, dating barangay tanod at construction worker na nakatira sa Barangay Holy Spirit, Quezon City..

Nabatid na dakong alas-10 ng gabi ay matutulog na sana ang biktima nang may biglang pumasok na apat na hindi pa nakikilalang lalaki sa loob ng kanyang bahay.

Pinuwersa umano ng mga suspek na palabasin ng bahay ang mga biktima at nang magpumiglas ito ay agad na pinagbabaril na nagresulta ng agarang kamatayan.

Hindi naman sinakatan ng mga suspek ang ibang kasama sa bahay ng biktima.

Nagtamo si Guzman ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Hindi namukhaan ng mga kaanak ang mga salarin, na pawang mga nakasuot ng face mask.

Nakuha sa crime scene ang apat na basyo ng bala.

Nabatid na noong nakaraang buwan ay inireklamo ang biktima sa barangay matapos umanong magnakaw ng gatas para sa anak.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigayon ang mga awtoridad para mabatid ang motibo ng krimen, makilala at madakip ang mga salarin.