GCQ violator nagtangkang magpakamatay sa kalye

June 19, 2020

NAGAWANG sunggaban ng pulisya ang isang tomboy na nagwala at nagtangkang saksakin ang sarili habang pinagmumumura ang mga nagrespondeng awtoridad kamakalawa ng gabi sa munisipalidad ng Pateros.

Una ng naghamon ng patayan ang suspek na si Ma. Corazon Medina, 52, ng 47 E. Ragas T, Bgy. Sta Ana, Pateros matapos lumabas ng bahay na armado ng patalim dakong 8 p.m. sa hindi pa malamang dahilan.

Maging ang kanyang nakababatang kapatid na si Lauro Medina ay pinagbuntunan ng galit ng suspek nang tangkain siyang awatin sa paghahamon at pagwawala kaya’t ipinasiya na nitong humingi ng tulong sa kapulisan.

Nang magresponde ang mga tauhan ng Pateros police, inabutan pa nila ang ginagawang paghahamon ng patayan ng tomboy habang hawak ang patalim kaya’t tinangka nilang lapitan at kausapin ang suspek.

Gayunman, pinagmumura, nilait at pinalayas ng suspek ang mga pulis sabay tutok ng patalim sa kanyang dibdib at nagbanta na magpapakamatay kapag hindi umalis ang mga awtoridad.

Habang nakikipag-negosasyon ang mga awtoridad, patuloy silang pinagmumumura ng suspek kaya’t hindi na nito namalayan na may ilang mga pulis na palang nakalapit sa kanyang likuran kaya’t nasunggaban nila ang hawak na patalim hanggang tuluyang madakip.

Patong-patong na mga kasong paglabag sa curfew hours, illegal possession of bladed weapon, alarm and scandal at resistance and disobedience to a person in authority ang kakaharaping kaso ng tomboy sa piskalya ng Pateros.