Ginang, 38, nagpakamatay

Nadiskubre ang bangkay ng isang ginang na diumano’y nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob ng isang aparador sa kanyang tahanan sa Quezon City, nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay PO3 Rhic Roldan Pitto ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang bangkay ni Ervie Ng Shan Santoyo, 38-anyos, may asawa, walang trabaho at naninirahan sa No. 5-F Torres St., Bgy. Pag-ibig Sa Nayon, QC ay nadiskubre dakong alas-3:30 ng hapon.

Ayon sa pahayag ng kapatid na si Ian Gani, kinatok umano niya ang silid ni Santoyo dahil nagtataka siya kung bakit hapon na ay hindi pa ito lumalabas at hindi pa rin kumain ng tanghalian.

Halos ilang minuto na umano siyang kumakatok subalit hindi pa rin umano ito pinagbubuksan kaya tinawag na niya ang isa pa niyang kapatid na lalaki na si Eben at doon ay puwersahan nilang binuksan ang pintuan ng silid ng ginang.

Nang mabuksan ang pintuan ay nagtaka sila dahil wala sa paligid ng kuwarto ang kapatid na si Santoyo.

Dahil dito ay nagpasya nang lumabas sina Ian Gani at Eben sa silid pero tila  may humatak sa kanila na buksan ang aparador at doon ay bumungad sa kanila ang bangkay ng kapatid  na nakabigti.

Tumanggi namang paimbestigahan pa ng magkapatid ang nasabing pagbibigti ni Santoyo dahil kumbinsido silang sadyang nagpakamatay ang ginang.