Hiling sa LTFRB: Byahe ng traditional jeep ibalik

August 20, 2020

SINUGOD muli ng militant transport group ang central office ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City, kahapon ng umaga, at iginiit na ibalik na ang lahat ng biyahe ng mga traditional jeepney sa Metro Manila.

Ayon sa Pinagisang Samahan ng Tsuper at Operaytor Nationwide (PISTON), bagamat nagbukas ng dagdag ng 60 routes para sa 4,498 units sa pagbabalik ng biyahe ngayon linggo, kulang pa rin ito.

Nagsagawa ng maikling program ang grupo at ipinaliwanag na dapat ibalik na ang lahat ng routes at payagan ng magbalik biyahe ang lahat ng traditional jeepney sa MM dahil kulang na kulang pa ang mga jeepney na masasakyan ng taong bayan.

Matapos ang maikling program kusang nag self disperse ang grupo ng mapayapa at tahimik.

Ayon sa PISTON babalik muli sila sa agency hanggang sa ibalik ang lahat ng ruta at payagan ng magbalik biyahe ang lahat ng traditional jeepney.