Holdaper pumatay ng driver, tinangay P2M

February 05, 2019

Pinagbabaril hanggang sa mamatay ang isang truck driver ng tatlong di pa nakikilalang mga holdaper na  tumangay din ng halagang P2,065,000 na kanyang dala sa Bgy. Commonwealth, Quezon City, ayon sa ulat ng  pulisya kahapon.

Kinilala ang napatay na biktima na si Roxan Evangelista Magno, 25, binata, truck driver, tubong Negros Oriental at residente sa Noria St., Dona Nicasia Subd., Novaliches, nang nasabing lungsod.

Si Magno ay idineklarang dead-on-arrival sa Fairview General Hospital ng attending physician bunga ng  tinamong tama ng bala sa leeg at dibdib.

Base  sa report ni P/Supt. Elmer Monzalve, hepe ng CIDU dakong alas-12:40 ng hapon kamakalawa nang maganap ang madugong insidente sa may Cely’s Junkshop sa 3rd St., corner Main St.,  Bitoon Circle, Bgy. Commonwealth, QC.

Una rito, dumating  sa junkshop, galing  sa Banko De Oro (BDO) sa  Congressional/Mindanao Ave. branch ang driver kasama si Darwin Reyes Vianzon, 38-anyos na magkaangkas sa motorsiklo at nagwithdraw umano ng P2,065,000.

Dahil sarado pa ang junkshop ay naghintay ang biktima at kasama nito nang sumulpot ang tatlong lalaki na armado ng silencer gun at tinutukan ng baril si Vianzon na agad  tumakbo at pinasa kay Magno ang bag na naglalaman ng milyong halaga ng salapi.

Hindi inabutan ng suspek ang nakatakbong si Vianzon kaya  si Magno na pinasahan ng bag ang binaril ng mga suspek.

Nang duguang bumulagta  si Magno ay mabilis na tumakas ang mga mga holdaper  sakay ng motorsiklo na walang plaka  patungo sa direksiyon ng Commonwealth Ave.

Hinala ng mga awtoridad na ‘inside job’  ang nangyaring holdapan dahil alam na may perang dala ang biktima na umanoy  pampasahod sa mga empleyado at pambayad sa mga kliyente.

Gayunman, patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya.