House of Representative driver 45 beses sinaksak habang tulog

February 20, 2019

Karumal dumal na kamatayan ang sinapit ng isang driver ng staff sa House of Representative matapos na saksakin ng 45 beses habang natutulog sa kaniyang quarters sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Atilano Asi Servan, 51-anyos, may asawa, driver ng Committee on Affairs Department sa House of Representatives, at stay-in sa bahay ng kaniyang among si Tyrone Hernandez sa No. 4 Candelaria St., Don Jose Heights Subdivision, Bgy. Commonwealth, ng nasabing lungsod.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na nakilalang si Sandrex Cordel Pineda, 24-anyos, at residente ng Bgy. Capuocan, Ginadlongan, Leyte.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 George Caculba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), natagpuan ang duguang katawan ng biktima dakong alas 6:30 ng umaga kahapon sa quarters nito.

Una dito, gabi ng Pebrero 19 ay nakipag-inuman umano ang biktima sa kanilang kasambahay na nakilalang si Arlyn Talinting at sa boyfriend nito sa loob ng garahe habang ang suspek ay nasa labas at nakikipag-kwentuhan sa mga kapitbahay na sina Agnes Dela Cruz, Cheche Serbidad, Mabel Braga, at mga nakilala lamang sa pangalang Vic, Lorie at Arjay.

Nang malasing na umano ang biktima ay nagpasya na itong matulog sa kaniyang quarters, at nagpaalam na rin ang nobyo ng kanilang kasambahay.

Naiwan naman si Talinting sa garahe upang linisin ang kanilang pinag-inuman nang makita nito ang suspek na si Pineda na galing sa kanilang kusina at nagmamadaling lumabas, subalit hindi na lamang umano niya ito pinansin.

Kinabukasan ay inutusan si Talinting ng anak ng kanilang amo na  gisingin na sa quarters si Servan.  Agad namang tumalima ang kasambahay subalit pagbukas niya ng pintuan ay bumungad sa kaniya ang duguang katawan ng nasabing driver.

Nasamsam sa crime scene ang isang 12-inch  kitchen knife na may bahid ng dugo at mga nagkalat na buhok na palatandaan na nanlaban ang biktima.

Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng krimen habang pinaghahanap pa ang suspek.