Intsik pinatay ng bf

KARUMALDUMAL ang sinapit ng isang babaeng Chinese national matapos saksakin ng kaniyang kapwa Chinese na boyfriend matapos na magtalo sa loob ng condo unit sa Quezon City, nitong Linggo ng umaga.

Ang biktimang nakilalang si Ronglan Zhang, 28, dalaga, Chinese national at residente sa Room 22 G Torre Venezia na matatagpuan sa No. 117 Scout Santiago, Bgy. Laging Handa, QC, ay namatay noon din sanhi ng tinamong maraming saksak sa katawan.

Agad namang naaresto ang suspek na si Wei Liang Mo, 31, binata, Chinese national at naninirahan sa Room 24, na kapit-silid lamang ng biktima.

Sa naantalang report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang insidente ay naganap dakong alas-4:55 ng madaling araw (April 19), sa Room 22 G Torre Venezia na matatagpuan sa No. 117 Scout Santiago, Bgy. Laging Handa, QC.

Batay sa pahayag ng Chinese na roommates ng suspek, nagtataka aniya sila kung bakit wala sa loob ng kanilang kuwarto si Liang Mo kaya nagtungo sila sa inuupahang silid ng biktima.

Subalit makailang ulit na umano silang kumakatok at walang nagbubukas ng pinto kaya humingi na sila ng saklolo sa security guard at administration officer ng gusali.

Nang puwersahang mabuksan ang pintuan na nirerentahan ni Zhang ay bumungad sa kanila ang suspek na nakatayo sa hagdan na may hawak na patalim na may bahid ng dugo at nakita ang duguang nakabulagtang katawan ng biktima.

Nasamsam sa Crime Scene ng SOCO team ang 32 inches na kutsilyo na ginamit sa pananaksak sa biktima.

Mabilis namang inireport ng admin ng gusali ang krimen at inaresto ang suspek. Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pananaksak.