Jeepney driver tinambangan, dedo

PINAGBABARIL hanggang sa mamatay ang isang jeepney driver habang lulan ng isang kotse matapos na dumalaw sa isang preso Martes ng hapon sa kanto ng East Avenue, Bgy. Pinyahan, Quezon City.

Sa inisyal na report, ang biktima ay nakilalang si Neil Paglinawan, 41, may asawa,  jeepney driver, at naninirahan sa  Matapat St. Bgy. Pinyahan. Q.C.

Ayon kay QCPD Kamuning Police Chief PLt. Col. Bernouli Abalos, dakong alas 3:10 ng hapon (August 11), ng mangyari ang pananambang sa  EDSA near corner East Avenue, Bgy. Pinyahan, ng lungsod.

Batay sa pahayag ni Michael Cruz, na siyang nagmamaneho ng sinasakyan nilang kulay gray na Honda van (BDG 450) kasama ang biktima galing sila sa Kamuning Police Station at may dinalaw na preso.

Nang pauwi na sila at tinatahak ang nasabing lugar ay bigla na lamang silang tinapatan ng suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima na nasa passenger seat ng van.

Posible umanong si Paglinawan lamang ang target ng gunman matapos na hindi barilin si Cruz.

Nakasamsam ang SOCO team ng apat na basyo ng bala ng di-pa batid na kalibre ng baril sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Masusi naman nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa nangyaring pamamaslang, pero ayon sa source ang napatay na biktima ay isang 'police asset.'