Ka-angkas sa motor tinodas ng 2

February 28, 2019

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang dalawang naka-motorsiklong suspek na bumaril sa kasama nilang lalaki na ka-angkas nila sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.

Ang biktima ay nakilala lamang sa pangalang alyas ‘Tatang’, tinatayang nasa edad 40-45, may taas na 5’4, maliit ang pangangatawan, nakasuot ng itim na T-shirt at maong na pantalon at tadtad ng tattoo ang katawan. Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa bibig at katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Virgilio Mendoza ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang insidente ay naganap dakong alas-9:40 Huwebes ng gabi sa Service Road sa ilalim ng tulay ng Barangay Unang Sigaw ng nasabing lungsod.

Sa kwento ng nakasaksing nakilalang si Lester Patila, nakatayo siya sa basketball court nang makarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril at doon ay nakita na lamang niya ang duguang nakabulagtang katawan ng biktima, habang papatakas naman ang dalawang di-kilalang suspek na sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Quirino Highway.

Nasamsam ng SOCO team na pinamumunuan sa crime scene ang apat na basyo ng di-pa malamang kalibre ng baril.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng pamamaril at  kilalanin ang mga nakatakas na suspek.