Kainuman tinadtad ng saksak ng basag na bote

August 12, 2020

SUGATAN ang 24-anyos na lalaki nang pagsasaksakin ng kanyang kainuman makaraang maubos ang isang bote ng alak na kanilang iniinom Huwebes ng gabi sa Caloocan city.

Isinugod ng kanyang mga kaanak sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Mark Angelo Arig, walang hanapbuhay at residente ng 118 NPC Area B. Brgy. 164 matapos magtamo ng mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Nadakip naman ng mga nagrespondeng barangay tanod ang suspek na si Rolly Giray, 27, construction worker na kapitbahay lamang ng biktima makaraan ang insidente.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na bago nangyari ang pananaksak, nag-inuman ang biktima at suspek sa harap ng kanilang tirahan sa NPC, Area B dakong alas-9:45 ng gabi subalit nang maubos na nila ang isang bote ng brandy, dito na nagsimula ang pagtatalo ng dalawa sa hindi nabatid na dahilan.

Sa kainitan ng kanilang pagtatalo, binasag ng suspek ang bote ng alak at sunod-sunod na inundayan ng saksak ng basag na bote ang kanyang kainuman.

Ayon sa pulisya, mahaharap si Giray sa kasong frustrated homicide matapos siyang dalhin sa piskalya ng Caloocan city upang isailalim sa inquest proceedings.